Magkasamang inillibot nina Liza Soberano at Fil-Am Grammy winner H.E.R. ang mga manonood sa Metro Manila sa music video ng “BRB,” ang lead soundtrack ng bagong DreamWorks animated film na “Forgotten Island.”
Sa music video, makikita ang dalawa na sumasakay ng jeep at tricycle, habang tinatampok ang pang-araw-araw na buhay at kulturang Pilipino.
Kabilang sa mga ipinakita ang sari-sari store, palengke, street basketball, mahjong, aspin at puspin, pati ang mga pagkaing tulad ng lechon, sinigang, taho, fishball, buko juice at sorbetes.
May mga salitang Filipino rin sa kanta tulad ng “Babalik Ako” at “Tayo Na.”
Habang kasama rin sa music video ang mga direktor ng pelikula na sina Joel Crawford at Fil-Am Januel Mercado, pati ang kanilang mga pamilya.
Bibigyang-boses nina Liza at H.E.R. sa “Forgotten Island” ang mga pangunahing tauhan na sina Raissa at Jo, na mapapadpad sa misteryosong isla ng Nakali.
ADVERTISEMENT
Hango sa kultura, folklore, at mitolohiyang Pilipino ang ilang elemento ng animated film.
Kasama rin sa voice cast sina Lea Salonga, Dolly De Leon, Jo Koy, at Manny Jacinto, habang kabilang naman sa soundtrack ang SB19, BINI, Sophia Laforteza, at Ruby Ibarra.
Mapapanood na ang “Forgotten Island” sa mga sinehan simula September 23.

