Inirekomenda ng Taguig City prosecutors na ibasura ang perjury complaint na inihain ni Vice President Sara Duterte laban kay Ramil Madriaga, na nagpakilalang dating bagman ng Bise Presidente.
Ayon sa resolusyon, kulang ang ebidensiya para maitatag na may prima facie case at reasonable certainty of conviction laban kay Madriaga sa ilalim ng Article 183 ng Revised Penal Code.
Matatandaang inaakusahan ni VP Sara si Madriaga na naglagay ng umano’y sinadya at mahahalagang kasinungalingan sa kanyang sinumpaang affidavit tungkol sa umano’y ugnayan nito sa Bise Presidente.
Kabilang sa kinukwestiyon ni VP Sara ang pahayag ni Madriaga na naging bahagi siya ng Presidential Security Group, Vice Presidential Security and Protection Group, at maging ang pagkakasangkot niya sa paghawak at paghahatid ng confidential funds.
Pero ayon sa prosecutors, bagaman may isinumiteng ebidensiya ang Bise Presidente na sumasalungat sa salaysay ni Madriaga, hindi ito sapat para patunayang alam at sinadya niyang magsinungaling sa ilalim ng panunumpa.
ADVERTISEMENT
Nilinaw din sa resolusyon na hindi ito nagpapasya kung totoo o kapani-paniwala ang mga pahayag ni Madriaga.
Samantala, sinabi ng prosecutors na ang desisyon sa perjury complaint ay hindi dapat ituring na pagpapatibay o pagpapasinungaling sa kanyang mga alegasyon na kasalukuyan ding bahagi ng mga proceeding sa Office of the Ombudsman at Senate Impeachment Court.
Wala pa namang inilalabas na komento ang kampo ni Vice President Duterte hinggil sa resolusyon.

