Balitang A2Z

PCG, inihayag na nagpaputok ng flares ang Chinese forces sa unarmed aircraft nito sa Kalayaan Island Group

Nagpapaputok umano ng flares ng ilang beses ang Chinese forces sa direksiyon ng isang unarmed Philippine Coast Guard (PCG) aircraft, habang nagsasagawa ito ng maritime domain awareness flight sa Kalayaan…

Billy Torres · · Updated · 2 min read

Photo of Chinese forces allegedly firing flares several times toward an unarmed PCG aircraft

Nagpapaputok umano ng flares ng ilang beses ang Chinese forces sa direksiyon ng isang unarmed Philippine Coast Guard (PCG) aircraft, habang nagsasagawa ito ng maritime domain awareness flight sa Kalayaan Island Group noong September 7.

Ayon sa PCG, bago lumapag sa Pag-asa Island, hinamon sa radio ang kanilang eroplano ng Chinese forces sa Zamora o Subi Reef, bago umano magpaputok ng flares.

Naulit din umano ang parehong insidente sa Panganiban o Mischief Reef.

Buwelta ng PCG aircrew sa radio, routine at lehitimo ang kanilang flight, at iginiit na labag sa international law ang presensiya at reclamation activities ng China sa mga nasabing features.

Napansin din umano ng aircrew ang maraming Chinese maritime militia vessels sa loob ng mga lagoon ng Subi at Mischief Reefs.

Paliwanag pa ng Coast Guard, nalalagay sa panganib sa flight safety ang pagpapaputok ng flares ng China.

ADVERTISEMENT

Habang iginiit din na bahagi ng 2016 Arbitral Award, na nagsasaad na ang Mischief Reef ay low-tide elevation na nasa loob ng exclusive economic zone at continental shelf ng Pilipinas.

Labag din ang pagpapaputok ng China sa ilalim ng Convention on International Civil Aviation, lalo na sa isang eroplanong nasa himpapawid.

Sa kabila nito, tiniyak ng PCG na ipagpapatuloy nito ang maritime domain awareness flights sa West Philippine Sea at patuloy na idodokumento ang mga insidente sa lugar.

What do you feel about this article?