Tinutulan ng International Criminal Court (ICC) prosecutors ang hiling ng depensa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na obligahin ang paglalakip ng expert verification report sa lahat ng open-source at user-generated digital evidence.
Sa isang public redacted filing, sinabi ni ICC Ad Interim Prosecutor Mame Mandiaye Niang na hindi makatwiran, hindi kailangan, at maaaring makasagabal sa bilis ng proseso ang panukalang baguhin ang E-Court Protocol para magkaroon ng mandatory expert verification field.
Ayon sa prosekusyon, napakalawak ng saklaw ng open-source at user-generated evidence, kaya dapat case-to-case basis ang pagpapasya kung kailangan ng expert report.
Bagamat kinilala naman ng ICC prosecutors ang panganib ng digital tampering at AI-generated disinformation, pero giit nila, hindi dapat automatic na kailanganin ng expert verification ang lahat ng digital material, lalo na ang mga dokumento mula sa United Nations o mga ulat mula sa established news organizations.
Ayon sa prosekusyon, kailangang maging mapanuri ang korte sa open-source evidence, pero dapat proporsyonal ang mga safeguard para hindi maantala ang pagdinig.
ADVERTISEMENT
Binalaan din nila na ang sobrang requirements ay maaaring magdulot ng karagdagang pasanin sa korte at posibleng maantala ang simula ng trial.
Nahaharap si Duterte sa crimes against humanity charges kaugnay ng anti-drug campaign ng kanyang administrasyon, na kasalukuyang hawak ng ICC Trial Chamber 3.

