Ipinaliwanag ni dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na hindi dapat ituring na fixed number ang bilang ng botong kailangan para ma-convict ang isang opisyal sa impeachment trial.
Para sa legal interpretation ni Carpio, maaaring hindi umano umiiral ang 16-vote threshold sa kasalukuyang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil may mga senador na hindi nakakadalo o may kinakaharap na legal na usapin.
Giit niya, kung laging fixed ang bilang ng botong kailangan, maaaring mawalan umano ng bisa ang probisyon ng Konstitusyon kapag may mga senador na namatay, nagbitiw o hindi na makaganap ng tungkulin.
Ayon pa kay Carpio, dapat ding isaalang-alang ang status nina Senator Rodante Marcoleta at Jinggoy Estrada, na kapwa humaharap sa plunder cases.
Sinabi rin niya na hindi dapat bilangin bilang senator-judge si Senator Bato dela Rosa kung hindi pa ito nanunumpa bilang miyembro ng impeachment court.
Para naman kay Senator Loren Legarda, sinabi ni Carpio na kasama pa rin siya sa bilang ng mga qualified senator-judges dahil nanumpa na ito, pero hindi siya makaboboto kung hindi siya present sa pagboto.
ADVERTISEMENT
Samantala, naniniwala din si Carpio na kailangang sumunod si V-P Sara kung sakaling maglabas ng subpoena ang Senate Impeachment Court.
“The constitution says no person shall be compelled to be a witness against himself or herself — this applies only to criminal cases. In civil cases or administrative cases, you cannot take that position. If she is subpoenaed, she has to honor that subpoena. She can be asked other questions which are not incriminatory,” ayon kay Carpio.
Paliwanag niya, ang impeachment trial ay hindi criminal case, kaya maaaring ipa-subpoena ang respondent.

