Sinimulan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon sa humigit-kumulang P1.9 bilyong halaga ng flood control projects sa distrito ni Davao City Rep. Paolo Duterte.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, lumitaw sa records ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na ang lahat ng nasabing proyekto ay na-award sa iisang contractor, ang Genesis 88 Construction, Inc.
Aniya, ito ang isa sa mga dahilan kung bakit kailangang suriin ang mga proyekto, lalo’t ang isa sa mga tinitingnang pattern sa mas malawak na flood control investigation ay ang paulit-ulit na pagkapanalo ng iisang contractor sa maraming kontrata.
“Di ba, ang pinagsimulan nga diyan [flood control scandal], ‘yung mga kontraktor na sila na lang ang nakakuha nang nakakuha ng kontrata sa buong Pilipinas. Pero this is a specific area, specific district, na ang nakakuha lang ng kontrata ay yung Genesis 88. Kaya kailangan nating tingnan,” ayon kay Matibag.
Ayon pa sa NBI, lumitaw sa paunang imbestigasyon na matagal nang kaibigan umano ng pamilya Duterte ang nasa likod ng contractor.
ADVERTISEMENT
Batay din sa mga record, may mga proyektong nagsimula pa noong 2024 pero hindi pa rin kumpleto.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng ahensya para matukoy kung may dapat managot o kung walang nakitang paglabag.

