Inihayag ng Office of the Ombudsman na posibleng may mga susunod pang plunder at money laundering cases kaugnay ng mas malawak na imbestigasyon laban kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Ito’y matapos unang nagsampa ang Ombudsman ng plunder case laban kina Romualdez, dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, at dalawa pang akusado, na sinundan ng paglabas ng warrant of arrest ng Sandiganbayan.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, hindi lamang testimonya ang ginamit sa pagbuo ng unang kaso, dahil sinuri rin umano ng mga imbestigador ang corporate records, land titles, tax declarations, deeds of sale, manager’s checks, general information sheets, at audited financial statements para matunton ang umano’y daluyan ng pera.
Tinitingnan din ng Ombudsman ang mga property na posibleng may kaugnayan sa mga akusado, pero nakapangalan sa ibang tao, kaya tinitingnan pa kung sino ang tunay na beneficial owner ng mga asset.
ADVERTISEMENT
Ayon naman kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, posibleng simula pa lamang ang mahigit pitong bilyong pisong plunder case kaugnay ng umano’y korapsyon sa mga flood control project dahil umaabot sa humigit-kumulang P57 billion ang kabuuang halaga ng mga umano’y project deliveries na lumitaw sa mga pahayag at ebidensiyang sinusuri pa rin ng mga imbestigador.
Dahil dito, posibleng maging batayan din ang mga ito ng mga susunod pang kaso.

