Gustong repasuhin ng ilang senador ang bilang ng kailangang boto, para ma-convict si Vice President Sara Duterte sa kanyang impeachment trial.
Ayon kay Senate Majority Floor Leader Juan Miguel Zubiri, napag-usapan na sa Senate caucus ang usapin, dahil sa kasalukuyang status ng ilang senador.
Nananatiling hindi tiyak ang kinaroroonan ni Senator Bato dela Rosa, habang nasa detention naman sina Senator Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta.
Ani Zubiri, kumpleto pa ang bilang ng mga senador, nang itakda noon ang conviction threshold.
Posible umanong maging sentro ng debate sa Senado, kung dapat baguhin ang kasalukuyang vote requirement, dahil sa mga senador na hindi makalalahok.
“Ngayon kasi may mga nasa kulungan at may isang at-large. When the presiding officer made the ruling, we still had a complete slate. Someone will take it up to the Supreme Court to question the decision. But let’s see if we decide to move the threshold, that’s a debate now with the members of the Senate,” pahayag ni Zubiri.
ADVERTISEMENT
Pero aminado si Zubiri na anumang pagbabago sa threshold, ay posibleng kwestiyunin sa Korte Suprema.
Noong Hulyo, itinakda ni Impeachment Court Presiding Officer Senator Francis Escudero, sa labingwalong boto ang kailangan para sa conviction ni Duterte.
Ayon kay Zubiri, nasa mga miyembro na ng Senado kung tatalakayin at babaguhin ang nasabing threshold, habang nagpapatuloy ang impeachment trial.

