Anim ang patay habang tatlo pang pasahero ang patuloy na pinaghahanap ng Philippine Coast Guard sa tumaob na motorbanca sa Mapanuepe Lake, Zambales.
Patuloy ang pagsasagawa ng search and rescue operations ng Philippine Coast Guard ngayong araw sa tatlo pang pasahero na nawawala mula sa tumaob na bangkang de motor o “motorbanca” sa Mapanuepe Lake, Zambales.
Aabot sa 13 na indibidwal ang lulan ng motorbanca nang mapaulat sa Zambales Substation Disaster Response Group na tumaob ito sa Mapanuepe Lake kahapon, bandang alas-dos ng hapon ng August 27, 2026.
Anim ang patay, at tatlo dito ang mga menor de edad.
ADVERTISEMENT
Ayon sa imbestigasyon, ang mga pasahero ay mga miyembro ng Aeta community sa Sitio Lumibao na kukuha sana ng pagkain at gamot, at bakuna sa community health center. Ngunit sa lakas ng hangin at kondisyon ng katubigan ng Mapanuepe Lake, tumaob ang sinasakyan nilang motorbanca.
At ngayong araw, ang MDRRMO ng Zambales at PNP ay katuwang ng PCG sa patuloy na search and rescue operation. (Austin Gonzaga/News Light)

