Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may pagbuti sa sitwasyon ng pagbaha sa Metro Manila sa kasagsagan ng habagat, pero marami pa umanong kailangang gawin.
Ito’y matapos inspeksyunin ng Pangulo ang mobile pump sa Alido Bridge sa Las Piñas City.
Ayon kay Marcos, nakatulong ang patuloy na dredging ng mga waterway para mabawasan ang pagbaha.
Kaugnay niyan, sinabi ng Pangulo na muling ipinagpatuloy ang dredging matapos umanong matigil ito nang labindalawang taon.
Iniutos din ng Pangulo na balikan at tapusin ang matagal nang planong spillway sa Las Piñas para magkaroon ng dagdag na labasan ang tubig.
ADVERTISEMENT
Samantala, nanawagan naman ang Pangulo sa publiko na itigil ang mali at iresponsableng pagtatapon ng basura matapos mapuno ng kalat ang isang creek sa Baclaran, Parañaque City.
Ayon sa Pangulo, nagbabara ang mga basura sa mga kanal at waterway at nagpapalala sa pagbaha, kaya nararapat na magtulungan ang mga lokal na pamahalaan at mga residente sa tamang waste disposal.
Kaugnay niyan, sinabi ng Pangulo na itutuloy ng pamahalaan ang waste-to-energy program kung saan ipo-proseso ang basura para maging kuryente.

