Nagulantang ang mga residente ng Baclaran sa Parañaque City nang bumungad ang tone-toneladang at ‘di kaaya-ayang amoy ng basura sa dalampasigan dulot ng malakas na ulan at pagbaha.
Kabilang sa mga basurang naipon sa lugar ay ang mga plastik, gulong, damit, styrofoam at iba pang kalat.
Ayon sa Parañaque City CENRO, inanod umano ang mga basura mula sa Manila Bay patungo sa Baclaran dahil sa malakas na ulan, hangin at high tide.
Agad namang nagsagawa ng manual cleanup ang mga tauhan ng CENRO sa bahagi ng LRT-1 Baclaran Station.
Tantiya ng mga awtoridad, maaaring umabot sa sampung truck ang mahahakot na basura.
ADVERTISEMENT
Samantala, patuloy naman ang dredging sa lugar ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Panawagan ng mga awtoridad sa publiko, iwasang magtapon ng basura sa mga kanal at ilog dahil nagdudulot ito ng matinding pagbaha.
Anila, hindi lamang gobyerno ang may responsibilidad sa pag-iwas sa pagbaha, kundi pati na rin ang bawat mamamayan. (Pink Feliciano/News Light)

