Pinapabawi ng pamahalaan ng Pilipinas sa China ang pagdeklara nito sa Bajo de Masinloc bilang isang “nature reserve” at hinihikayat itong itigil ang pagpapatupad ng mga panuntunan kaugnay nito.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), hindi kinikilala ng Pilipinas ang mga inilabas na hakbang ng China, kabilang ang pagbabawal sa pangingisda at pagpasok sa lugar nang walang pahintulot.
Binigyang-diin ng DFA na dapat igalang ng China ang soberanya, karapatan, at hurisdiksiyon ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc alinsunod sa international law at sa 2016 South China Sea Arbitral Award.
Matatagpuan ang Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal sa layong tinatayang 124 nautical miles mula sa baybayin ng Zambales, kaya ito ay nasa loob ng hurisdiksiyon ng Pilipinas batay sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
ADVERTISEMENT
Ayon pa sa DFA, ang Bajo de Masinloc ay may 12-nautical-mile territorial sea at 24-nautical-mile contiguous zone, na saklaw ng mga karapatang kinikilala sa ilalim ng Philippine Maritime Zones Act at ng UNCLOS.
Matatandaang pormal na isinumite ng Pilipinas sa United Nations ang opisyal na nautical chart ng Bajo de Masinloc at mga karatig nitong karagatan bilang pagpapatibay sa paggigiit ng bansa sa soberanya at hurisdiksiyon nito sa nasabing lugar. (Pink Feliciano/News Light)

