Umabot na sa critical level ang tubig ng Angat Reservoir sa Bulacan, matapos bumagsak sa mahigit 152 metro above sea level, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Mas mababa ito sa minimum operating level na 156 metro, na maaaring makaapekto sa pamamahala ng suplay ng tubig mula sa pangunahing reservoir ng Metro Manila at mga karatig-lugar.
Dahil sa patuloy na pag-urong ng tubig, lumitaw na ang malalawak na bahagi ng tuyong lupa at putik sa ilang lugar ng reservoir.
Ayon sa PAGASA, kailangang makaranas ng tuloy-tuloy na pag-ulan sa Angat Watershed upang maibalik sa ligtas na antas ang imbak ng tubig.
ADVERTISEMENT
Samantala, nagsagawa ng pagpupulong ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan at lokal na pamahalaan ng San Jose del Monte, Bulacan para talakayin ang mga pangmatagalang hakbang sa pagtugon sa pagbaba ng water level.
Nananatili namang nakabantay ang mga awtoridad dahil posibleng bumaba pa sa 149 metro ang antas ng tubig sa mga susunod na araw kung hindi magpapatuloy ang pag-ulan. (Pink Feliciano/News Light)

