Kabikabila na namang bagyo ang dumarating sa bansa, dahil dito, hinimok ni Senador Joel Villanueva ang mga ahensya ng pamahalaan na higit pang paigtingin ang paghahanda sa sakuna at tiyaking mabilis na maipararating ang ayuda sa mga maaapektuhang komunidad ngayong nagsimula na ang panahon ng tag-ulan at bagyo.
Binigyang-diin din ng senador na dahil sa mas madalas at mas matitinding epekto ng climate change, mahalagang unahin ang kahandaan, mabilis na pagtugon, at maayos na koordinasyon ng mga lokal na pamahalaan at iba pang disaster response agencies upang maprotektahan ang buhay at kabuhayan ng mga Pilipino.
Bago ito, isinulong na ni Villanueva ang paglalaan ng pondo para sa mga mobile command center ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang mapalakas ang kakayahan nitong tumugon sa mga kalamidad. Nakapagtatag na rin ito ng mobile kitchen units.
Si Villanueva rin ang may-akda ng Senate Bill No. 551 o Hazard Mapping Act na naglalayong makabuo ng komprehensibong talaan ng mga mabababang lugar na nanganganib sa pagtaas ng tubig-dagat at iba pang lugar na mataas ang panganib sa kalamidad.
ADVERTISEMENT
Sa ilalim ng panukala, inaatasan ang mga kaukulang ahensya na gumawa ng mataas na kalidad, napapanahon, at madaling ma-access na hazard maps para magamit ng publiko at ng mga lokal na pamahalaan sa paghahanda sa sakuna. (Austin Gonzaga/News Light)

