Umakyat sa 25 percent ang antas ng child stunting o pagkabansot ng mga bata sa Pilipinas noong 2025, ang unang pagtaas sa dekada batay sa government nutrition data na inilabas ngayong linggo.
Nangangahulugan ito na 25 sa kada 100 na batang Pilipinong edad apat na taon pababa ay masyadong maliit para sa kanilang edad dahil sa matagalang malnutrisyon.
Mas mataas ito ng 1.7 percentage points kumpara noong taong 2023, at nasa “high public concern” na ng World Health Organization.
Banta ito sa inisyatiba sana ng bansa na solusyunan ang krisis sa pag-aaral, dahil ang mga stunted na bata na pumapasok sa eskwela ay nahuhuli sa cognitive development, language, at kakayahang matuto batay sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2).
Pinakaapektado ang rehiyon ng Mindanao at Visayas, sa 36 percent ng Bangsamoro Autonomous Region, 34 percent ng Zamboanga Peninsula, 31 percent sa Negros Island, at 30 percent naman sa MIMAROPA.
ADVERTISEMENT
Ang mga bata namang lima hanggang 10 taong gulang ay apektado rin, 19 percent ayon sa survey, mas mababa lamang nang kaunti sa 21 percent sa mga batang edad 10 hanggang 19 taon.
Samantala, 33 bahagdan ng mga Pilipino ang dumaranas ng katamtaman hanggang malubhang kakulangan sa pagkain, batay pa rin sa survey.
65 percent sa mga ito ay ipinangungutang ang pambili ng pagkain, at 69 percent ay nanghihiram ng salapi sa mga kaanak para lamang may makain. (Denniel Salayo/News Light)

