Magbibigay ng ₱250,000 na cash assistance ang Philippine Sports Commission (PSC) sa pamilya ng mga nasawing Ateneo de Manila University (ADMU) student-athletes na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Nakikiramay ang PSC Chairman Patrick Gregorio kasama ang Sports Stakeholders Panel ng Commission on Higher Education (CHED), Department of Education (DepEd), Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), University Athletic Association of the Philippines (UAAP), at National Youth Commission (NYC) sa nangyari sa dalawang atleta ng Ateneo.
Samantala, ipinag-utos ng Department of Justice (DOJ) sa National Bureau of Investigation (NBI) ang masusing imbestigasyon sa pagkamatay nina Baterbonia at Adili matapos sabihin ng Provincial Police ng Aurora na “purely an accident” ang nangyaring insidente.
Lumabas din sa medico-legal ng dalawa na nasawi ang mga ito sa asphyxia by drowning. Gayunman, humihingi ng accountability at hustisya ang pamilya ni Baterbonia.
ADVERTISEMENT
Hihilingin rin umano nila sa DOJ ang pagpapalabas ng isang Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban kay Ateneo Men’s Basketball Team Head Coach Tab Baldwin.
Magiging abogado naman ng pamilya nina Baterbonia at Adili si Attorney Israelito Torreon. (Austin Gonzaga/News Light)

