Naghain ng panukalang batas ang mga miyembro ng Makabayan Bloc na layong mapunta sa public health services taon-taon ang kahit limang porsyento ng gross domestic product (GDP) ng Pilipinas.
Sa ilalim ng House Bill 9563, sisiguraduhin ng Kongreso na ang taunang national appropriations para sa Department of Health (DOH), primary health care, pampublikong ospital, at iba pang ahensiyang may kinalaman sa kalusugang publiko ay dapat na katumbas ng kahit na five percent ng GDP ng bansa.
Batay iyan sa pamantayan ng World Health Organization (WHO).
Paliwanag nina Reps. Antonio Tinio, Sarah Elago, at Renee Co, naghihikahos ang mga Pilipino dahil sa mataas na out-of-pocket household expenses na umaabot sa ₱615.16 billion o 42 percent ng ₱1.44 trillion na kasalukuyang health expenditure.
ADVERTISEMENT
Maaabot anila ang 5 porsyento ng GDP o ₱1.4 trillion kung ililipat dito ang mga walang saysay na gastusin gaya ng debt servicing, confidential at intelligence funds, at pork barrel.
Kasama ring inihain ng mga kongresista ang HB 9664 na layong hindi patawan ng value-added tax ang pagbebenta at importation ng mga essential drugs, medisina, at masusustansyang pagkain at inumin. (Denniel Salayo/News Light)

