Patay ang mag-asawang senior citizen matapos araruhin ng isang cargo truck ang kanilang bahay sa Purok Antipolo, Barangay Gumian, Infanta, Quezon, pasado alas-5:30 ng madaling araw nitong Lunes.
Pagsabog ng gulong diumano ang isang dahilan kung bakit naganap ang malagim na pagkamatay ng mag-asawa.
Kinilala ang mga biktima na isang 74-anyos na lalaki at 70-anyos nitong asawa.
Naipit ang dalawa nang bumagsak sa bahay nila ang rumaragasang truck na may kargang feeds na mula pa sa Bulacan.
Batay sa paunang imbestigasyon, nawalan umano ng kontrol ang cargo truck habang binabagtas ang Marilaque Highway bago bumangga sa railings at tuluyang nahulog ito sa bahay.
ADVERTISEMENT
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng PNP at MDRRMO Infanta upang maialis ang truck at marekober ang mga labi ng mag-asawa.
Nasa kustodiya na ng awtoridad ang driver at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in double homicide and damage to property. (Kevin Pamatmat/News Light)

