Uncategorized

Palasyo, iginiit na hindi tinamaan si PBBM sa alegasyon na “scapegoat” na banat ni Rep. Romualdez

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi ganito ang pananaw ng Pangulo dahil siya mismo ang nag-utos ng imbestigasyon nang may makitang anomalya sa 2025 budget.

Giselle Crazo · · 1 min read

Itinanggi ng Malacañang na tinutukoy ni Martin Romualdez si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang “scapegoat” na pahayag kaugnay ng isyu sa flood control funds.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi ganito ang pananaw ng Pangulo dahil siya mismo ang nag-utos ng imbestigasyon nang may makitang anomalya sa 2025 budget.

Binigyang-diin din ni Castro na hindi lang ang Pangulo ang sakop ng executive at walang cover-up dahil agad na pinaimbestigahan ang mga proyekto sa pamamagitan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Nauna nang iginiit ni Romualdez na hindi siya papayag na gawing “scapegoat” sa isyu o buntunan ng sisi at hinimok ang Office of the Ombudsman na sundan ang ebidensya.

Itinanggi rin ng mambabatas na siya ang utak umano ng korapsyon at sinabing dumaan sa prosesong konstitusyonal ang national budget na kinabibilangan ng executive, Kamara, at Senado.

ADVERTISEMENT

Giit naman ng Palasyo, anumang depensa ni Romualdez ay sarili niyang pananagutan, pero mas mahalaga na managot ang dapat managot.

Magugunitang nauna nang inakusahan ng dating mambabatas na si Zaldy Co sina Romualdez at Marcos na umano’y nasa likod ng paglalagay ng mga “budget insertions” para sa flood control projects.

What do you feel about this article?