Pormal nang nagsalita si dating House Speaker Martin Romualdez ukol sa mga alegasyong siya ang diumano’y pasimuno ng korapsyon sa kontrobersyal na 2025 national budget at ang naisiwalat na iregularidad sa infrastructure projects ng pamahalaan.
Sa isang taped video statement, iginigiit ni Romualdez na hindi kontrolado ng iisang tao o kongresista ang deliberasyon sa mga komite ng buong House of Representatives.
Ang House Budget Committee aniya ay may mahigit isang daang miyembro.
Samantala, dumistansya rin si Romualdez sa isyu ng closed-door bicameral conference committee hearings kung saan nangyayari umano ang amendments, maging budget insertions.
Aniya, dalawang tao umano ang may kontrol sa naturang proseso, at sina dating Congressman Zaldy Co at dating Senate President Chiz Escudero umano ang mga ito.
ADVERTISEMENT
Samantala, hindi naman tahasang binanggit ni Romualdez ang pangalan ng kanyang pinsan na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Pero itinuturo niya ang ehekutibo bilang may pinakamabigat na pananagutan sa anumang akusasyon ng korapsyon.

