Nananawagan ang mga guro sa pampublikong paaralan ng ₱15,000 na dagdag-sahod, kasabay ng babala ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) na lumalalim na sa pagkakautang ang marami sa kanila dahil sa mababang kita.
Ayon kay TDC National Chairperson Benjo Basas, dumarami ang mga guro na nahihirapan sa pagbabayad ng utang, kabilang ang mga kaltas sa loan, kasong legal, at iba pang problemang pinansyal na halos walang natitira para sa kanilang mga pamilya.
Ipinaliwanag ni Basas na napipilitang mangutang ang mga guro para sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagpapagamot, pabahay, edukasyon ng pamilya, at pagbili ng mga kagamitan sa pagtuturo.
Dagdag pa ni Basas, marami rin sa mga guro ang gumagastos ng sariling pera para sa mga pangangailangan sa silid-aralan dahil sa kakulangan ng suporta mula sa pamahalaan.
ADVERTISEMENT
Nanawagan ang Teachers’ Dignity Coalition sa Department of Education at mga mambabatas na agarang aksyunan ang panukalang pagtaas ng sahod ng mga guro. (Pink Feliciano/News Light)

