Aminado si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na may pagkukulang siya sa maayos na pagpapatupad ng Safer Cities Initiatives.
Ayon kay Remulla, kasalanan niya kung bakit naging kontrobersyal ang polisiya.
Hindi aniya siya nagbigay ng malinaw na panuntunan sa pagpapatupad ng Safer Cities Initiatives.
Dahilan umano ito ng pagkakadampot at pagmultahin ng law enforcers sa isang lalaking nakahubad habang naghahalo ng semento sa labas ng kanyang bahay sa kasagsagan ng mainit na panahon sa Pilipinas.
Humingi ng paumanhin si Remulla sa lalaki na nakaranas din ng trauma nang palibutan siya ng mga pulis at barangay officials.
ADVERTISEMENT
Nakabayad na ng multang ₱500 ang lalaki pero hiniling na burahin ang kanyang pangalan sa listahan ng mga lumabag dahil wala umano siyang criminal record.
Sinabi naman ni Remulla na personal siyang hihingi ng tawad sa lalaki, habang tinanggihan ng asawa ng lalaki ang paghingi ng tawad ng kalihim.
Tiniyak naman ni Remulla na magpapatuloy ang pagpapatupad ng Safer Cities Initiative at magiging mas maayos ang mga guidelines para dito.

