Naglunsad ang iba’t ibang transport group ng isang koalisyon na tinawag na “No to Oil Price Hike Coalition” bilang tugon sa sunod-sunod at malalaking pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa.
Inilunsad ng iba’t ibang transport groups mula sa iba’t ibang sangay gaya ng PUJ, UVE, TNVS, MC Taxi at ilang consumer group ang “No to Oil Price Hike Coalition”sa University of the Philippines Diliman.
Layunin ng koalisyon na pag-isahin ang hanay ng mga tsuper at operator upang tutulan ang patuloy na oil price hike na labis umanong nagpapahirap sa kanilang kabuhayan at sa mga komyuter.
Inaasahan ring iaanunsyo ng grupo ang kanilang mga planong sabay-sabay na kilos-protesta at posibleng tigil-pasada sa mga susunod na araw bilang pagpapakita ng kanilang mariing pagtutol.
ADVERTISEMENT
Nauna rito, ilang beses nang iginiit ng mga transport group na hindi na sapat ang kasalukuyang kita ng mga tsuper dahil kinakain ito ng mataas na presyo ng diesel at gasolina, dahilan upang maapektuhan hindi lamang ang kanilang hanapbuhay kundi pati na rin ang pamasahe ng publiko.
Samantala, pinapayuhan ang publiko na maghanda sa posibleng abala sa transportasyon sakaling matuloy ang mga planong protesta at tigil-pasada ng nasabing koalisyon. (Austin Gonzaga/News Light)

