Talaga namang hindi nagpapahuli ang mga kabataang Pilipino sa pagpapamalas ng kanilang talino!
’Yan ay kasunod ng matagumpay na pakikilahok ng Philippine team sa 8th International Talents Mathematics Competition na ginanap sa Bangkok, Thailand noong March 1 hanggang 4.
Nagkamit ng isang gold medal, tatlong silver medal, 14 na bronze medal, at 13 merit awards ang mga delegado ng Pilipinas sa naturang kompetisyon.
Nasungkit ni Raymund Kristobal Acosta ng Salve Regina School of Palawan, Inc. ang gintong medalya para sa Pilipinas, samantalang sina Jax Kenly Lim ng Grace Christian College, Karen Ong ng Iloilo Scholastic College, at Marcius Kade Soliven ng St. Paul College of Ilocos Sur naman ang nag-uwi ng tatlong silver medal.
ADVERTISEMENT
Sinubok ng naturang math competition ang husay ng mga kalahok sa problem solving, analytical, at mathematical reasoning abilities.
Humarap ang mga delegado ng bansa laban sa mga kalahok mula sa mga bansa gaya ng Indonesia, Thailand, Taiwan, at Bangladesh.

