Nagbabala ang PNP Anti-Cybercrime Group sa dumaraming vacation o accommodation scams habang papalapit ang Holy Week at summer break.
Ayon sa PNP-ACG halos tatlumpung kaso na ng vacation scam ang naitala mula Enero hanggang Pebrero 26 ngayong taon.
Karaniwang modus ng mga cybercriminal ang pag-post ng pekeng advertisements ng mga resort o staycation deals sa social media at online marketplaces.
Kinukuha nila ang mga larawan at video ng mga lehitimong resort at iniaalok ito sa napakamurang presyo para makahikayat ng mga biktima.
Minsan, gumagamit din sila ng mga bagong account na may pekeng reviews para magmukhang lehitimo ang alok.
ADVERTISEMENT
Ayon pa sa PNP karamihan sa mga nabibiktima ay nagbabayad ng down payment o buong halaga, pero bina-block na ng scammer pagkatapos.
Pinapayuhan ng mga awtoridad ang publiko na suriing mabuti ang legitimacy ng mga alok online at beripikahin ang mga larawan at makipag-ugnayan sa LGU kung may permit ang resort o accommodation.

