Kumpirmahin na ang charges laban kay former President Rodrigo Duterte.
’Yan ang panawagan sa International Criminal Court (ICC) ng mga kaanak ng mga drug war victims isang taon matapos na arestuhin at ilipad sa The Hague, Netherlands ang dating pangulo.
Nagtipon sa may Katipunan Avenue sa Quezon City pasado alas-3 ng hapon nitong Miyerkules ang mga kaanak ng mga biktima.
ADVERTISEMENT
Nagpakita rin ng suporta ang mga human rights groups.
Para sa grupong Duterte Panagutin Campaign Network, makasaysayang yugto ang isang taong pananatili ng dating pangulo sa ICC detention.
Paalala anila ito na ang pasismo ay walang puwang sa demokratikong lipunan kagaya ng Pilipinas.
ADVERTISEMENT
Panawagan din ng grupo sa ICC Pre-Trial Chamber I judges ang pagkumpirma ng charges laban kay Duterte para gumulong na ito sa trial.
Nanawagan din ang grupo sa ICC na arestuhin na rin ang mga co-perpetrators ni Duterte o mga kakuntsaba sa pagpapatupad ng patayan sa drug war.
Ipinaskil sa bahagi ng Katipunan Avenue ang mga “wanted poster” nina Senador Bato dela Rosa, Senador Bong Go, dating NBI chief Dante Gierran, dating MPD director Vicente Danao Jr., dating PDEA chief Isidro Lapeña, dating DOJ secretary Vitaliano Aguirre II, at dating PNP chief Oscar Albayalde.
ADVERTISEMENT
Para naman kay ICC Assistant to Counsel Atty. Kristina Conti, binasag ng pagkaaresto kay Duterte ang paniniwalang untouchable o hindi kayang mapanagot ang mga nasa katungkulan na may paglabag sa karapatan ng mga nasasakupan.

