Lusot sa House Committee on Ways and Means kahapon ang substitute bill na papayagan si President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na suspindehin o bawasan ang excise tax sa produktong petrolyo kasunod ng taas-presyo nito dahil sa kaguluhan sa Middle East.
Mula sa pinagsamang 15 pare-parehas na panukala, layon ng hakbang na amyendahan ang Section 148 ng National Internal Revenue Code na bibigyang karapatan ang pangulong ibsan ang excise tax sa ilalim ng ilang mga kondisyon.
Kasama dito ang paglagpas ng average Dubai crude oil price sa $80 kada barrel sa loob ng isang buwan, batay sa report ng Mean of Platts Singapore (MOPS) na basehan ng paggalaw sa presyo ng langis.
Maaari ding pansamantalang tanggalin ang tax kung nagdeklara na ng national emergency o calamity bunsod ng pagsipa sa halaga nito.
Sakaling ipatupad ito ni Marcos, maaari itong tumalab sa piling produktong petrolyo lamang o bilang blanket suspension.
ADVERTISEMENT
Posible din itong tumagal hanggang anim na buwan, maliban na lamang kung aaprubahan ng Kamara ang extension sa isang joint resolution.
Saklaw lamang ng rekomendasyon mula Development Budget Coordination Committee at ng Department of Energy (DOE) ang iimplementang suspension o bawas sa tax ni Marcos; limitado lamang rin ang authority ng bill hanggang matapos ang taon. (Denniel Salayo/News Light)

