Isang taon na mula nang arestuhin at ikulong si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Kaya naman nakatakdang isagawa ng mga tagasuporta ng dating pangulo ang isang misa mamayang alas-12 ng tanghali sa Davao City.
Gaganapin ang misa sa San Pedro Cathedral kung saan ipapanalangin ng mga Duterte supporters na makauwi na ang dating pangulo.
Hinimok ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP-Laban) ang mga Duterte supporters na magsuot ng damit na kulay green.
Bukod sa misa magsasagawa rin ng protesta ang mga tagasuporta ni dating Pangulong Duterte ngayong araw, sa Liwasang Bonifacio ala-1 ng hapon, kasabay ng paggunita ng isang taon mula nang siya ay arestuhin.
ADVERTISEMENT
Ang pagtitipon ay upang ipahayag ang kanilang hindi pagkakasang-ayon at pagkadismaya sa kasalukuyang administrasyon at upang igiit ang kaniyang pagpapalaya.
Ang misa at protesta ay kasunod din ng nagwakas na confirmation of charges hearing laban sa dating pangulo na humaharap sa tatlong counts ng murder at attempted murder na may kaugnayan sa crimes against humanity.

