Nauwi sa bahagyang girian ang protesta ng iba’t ibang grupo ng kababaihan sa Maynila kaugnay ng pagdiriwang ng International Women’s Day kahapon, March 8.
Ito ay nang pigilan ng mga pulis ang paglapit ng mga raliyista sa US Embassy matapos ang programa sa Liwasang Bonifacio.
Sa gitna ng tulakan, may ilang raliyista ang natumba habang tinatangkang makalusot sa barikada ng mga pulis.
Dinaluhan ang aktibidad ng iba’t ibang organisasyon ng kababaihan, kabilang ang Gabriela Women’s Party at Gabriela National Alliance of Women, upang ipanawagan ang iba’t ibang isyung kinahaharap ng mga kababaihan.
ADVERTISEMENT
Kabilang sa kanilang panawagan ang pag-aalis sa 12% Value-Added Tax o VAT sa mga pangunahing bilihin tulad ng pagkain, produktong petrolyo, kuryente, at tubig na anila’y nagpapabigat sa araw-araw na pasanin ng mga kababaihan sa pamilya.
Ipinrotesta rin ng grupo ang umano’y korapsyon sa pamahalaan at nanawagan ng pananagutan para sa mga mandarambong sa pondo ng bayan. (Pink Feliciano/News Light)

