Isinusulong ni House Majority Leader Sandro Marcos ang House Bill No. 8190 na layong gawing tiyak na krimen ang road rage sa bansa.
Sa ilalim ng panukala, tutukuyin ang road rage bilang sinasadyang agresibong aksyon ng isang driver o sakay ng sasakyan na nagmumula sa insidente sa trapiko at may layuning manakot, mang-harass, gumanti, o manakit ng kapwa motorista, na nagdudulot ng malinaw na panganib sa buhay at ari-arian.
Ayon kay Marcos, mahalagang magkaroon ng malinaw na depenisyon ang road rage upang maging gabay ng mga piskal sa pagsampa ng kaso at pagtugon sa mga paulit-ulit na insidente.
Maaaring maparusahan ng pagkakakulong hanggang apat na taon o multa hanggang P200,000 ang road rage na nagkaroon ng pinsala.
Kung walang pinsala, makukulong naman ito hanggang isang taon o mumultahan hanggang P100,000.
ADVERTISEMENT
Habang iniimbestigahan, agad na sususpendehin ang driver’s license, at kapag napatunayang may sala, permanente na ang diskwalipikasyon sa paghawak ng lisensiya.
Inihain ang panukala matapos ang umanoy insidente ng road rage sa North Luzon Expressway na nag-ugnay sa isang convoy na kinasasangkutan ng anak ni PBBM, na agad din namang pinabulaanan ng Malacañang. (Pink Feliciano/News Light)

