Labing-walong dating security aide ni Ako Bicol Party-List ex-Rep. Zaldy Co, na pawang dating miyembro rin ng Philippine Marines, ang lumantad kahapon upang patotohanan ang mga naunang pahayag ng kanilang kasamahan na sina Orly Guteza at dating boss na si Co.
Ayon sa abogado ng grupo na si Atty. Levi Baligod, nakasaad sa joint sworn affidavit ng grupo na bahagi umano ang mga ito ng team na nagde-deliver ng tinatawag na malemaletang “kickbacks” sa mga matataas na opisyal ng pamahalaan.
Nakasaad din sa affidavit ang umano’y mga ebidensya tulad ng mga larawan, oras, petsa, address, at pangalan ng mga taong pinaghahatian ng pera.
Kabilang sa mga pinangalanan ng grupo sina Pangulong Bongbong Marcos, dating House Speaker Martin Romualdez, Senate President Tito Sotto, Cong. Leila De Lima, Rep. Gerville Luistro, Rep. Stella Quimbo, at iba pang personalidad.
Samantala, inakusahan din ng grupo ang ilang imbestigador ng International Criminal Court (ICC) na umano’y tumanggap ng $2 milyon mula kina dating Senador Antonio Trillanes IV at iba pa bilang suporta sa imbestigasyon laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
ADVERTISEMENT
Mariin namang itinanggi ni Trillanes ang paratang at iginiit na ito ay hakbang lamang upang sirain ang ICC proceedings laban sa dating pangulo.
Dagdag pa niya, magsasampa siya ng kasong cybercrime laban sa mga nasa likod ng akusasyon.

