Nagharap na nitong Lunes ang International criminal Court (ICC) prosecution, kampo ni Duterte, at common legal representatives ng mga biktima ng drug war para sa unang araw ng confirmation of charges hearing laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Dito muling nilinaw ng ICC Pre-Trial Chamber I na si Duterte ay pinaghihinalaang nakagawa ng tatlong counts ng crimes against humanity na may kaugnayan sa madugong drug war.
Gaya ng inaasahan, hindi dumalo si Duterte in person man o online.
Pero kinatawan siya ng abogado niyang si Nicholas Kaufman.
ADVERTISEMENT
Nagsalita rin para sa opening statement si ICC Deputy Prosecutor Mame Mandiaye na idiniing hindi lihim ang aniya’y criminal plan ni Duterte na pumatay ng mga hinihinalang drug users.
Maraming beses aniya itong nilinaw ni Duterte sa publiko, kabilang ang kanyang “shoot-to-kill” orders.
Sinundan ito ng opening statement ng kinatawan ng mga biktima ng drug war na si Atty. Joel Butuyan.
Hinimok niya ang ICC Pre-Trial Chamber I na tuluyan nang pagulungin ang kaso laban sa dating pangulo dahil kung kaya niyang pagbantaang sampalin ang mga miyembro ng ICC, ganoon niya rin kayang takutin ang mga biktima kung makakalaya pa siya.
ADVERTISEMENT
Nanindigan naman ang kampo ni Duterte na politically motivated ang mga kasong inihahain laban sa kanya.
Ayon kay Kaufman, ang pagsuko sa dating pangulo ay tangka ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na wakasan ang legasiya ni Duterte.
Dinepensahan din ni Kaufman ang pagbabanta at pagmumura noon ng dating pangulo sa mga suspected drug users.
Hindi aniya ito patunay ng criminal intent o kagustuhan ng pangulo na pumatay; sa halip, ito ay pananakot lamang.
ADVERTISEMENT
Nag-adjourn ang ICC Pre-Trial Chamber I pasado alas-diyes ng gabi dito sa Pilipinas o alas-tres ng hapon sa The Hague, Netherlands.
Nakatakda itong magpatuloy mamayang alas-singko ng hapon dito sa Pilipinas kung saan ilalatag ng ICC prosecution, defense team ni Duterte, at kinatawan ng mga biktima ng drug war ang kani-kanilang argumento kung talaga bang gumawa ng crimes against humanity ang dating pangulo.

