Mas naging espesyal ang Araw ng mga Puso matapos ang sabay-sabay na pag-iisang dibdib ng higit sa 1,000 couple sa iba’t ibang lungsod sa Metro Manila, sa ilalim ng Kasalang Bayan.
Sa Quezon City, halos 500 couple ang nagpalitan ng panata sa Kasalang Bayan na pinangunahan ni Mayor Joy Belmonte. Binigyang-diin ng alkalde na mahalaga ang pag-aalaga, katapatan, at pagpapatibay ng pagsasama sa hirap at ginhawa.
Samantala, sa Caloocan, mahigit isang libong couple naman ang nag-isang dibdib, handog ni Mayor Along Malapitan, kasabay ng paggunita sa ika-64 anibersaryo ng lungsod.
Habang sa Pasig, nasa 30 couple ang ikinasal sa seremonya na personal na pinangasiwaan ni Mayor Vico Sotto.
Mas naging makulay ito nang sorpresahin sila ng sikat na bandang Ben&Ben na naghandog ng kantang “Duyan” bilang harana.
ADVERTISEMENT
Layunin ng Kasalang Bayan na bigyan ng libre at legal na seremonya ang mga magkaparehang may limitadong pinansyal na kakayahan, habang pinatatibay ang pundasyon ng pamilya sa komunidad. (Pink Feliciano/News Light)

