Matapos lumabas sa tinaguriang “Epstein files” na mayroong grupo sa bansa na tumulong umano sa human trafficker at child sex offender na si Jeffrey Epstein, maghahain ng resolusyon si Senador Loren Legarda upang paimbestigahan ang paggalaw at koneksyon nito sa bansa.
Ang “Epstein files” ay ang milyun-milyong dokumento, emails, litrato, at mga video hinggil sa krimen na ginawa ni Jeffrey Epstein na kinasasangkutan umano ng mga matataas na lider ng iba’t ibang bansa, personalidad, at mga bilyonaryo.
Base sa inilabas na karagdagang files ng United States Department of Justice, nag-hire umano ng tauhan sa Pilipinas ang kampo ni Epstein upang linisin ang kaniyang pangalan online.
Kaya sa resolusyong ihahain ni Senador Loren Legarda, uutusan ang Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI), at ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na tingnan ang aktibidad ni Jeffrey Epstein o ng kaniyang mga tauhan dito sa Pilipinas.
Nais alamin ng senador kung ano pa ang mga network na ginamit ni Epstein dito sa Pilipinas.
ADVERTISEMENT
Maliban dito, nanawagan ang senadora na paigtingin ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) Act at maging ang iba pang batas laban sa trafficking sa bansa.
Ayon sa senador, dapat nang ikonsidera ang paggamit ng mga trafficker ng teknolohiya gaya ng artificial intelligence at social media para mambiktima ng mga bata at vulnerable na indibidwal.

