Dalawampu’t siyam na biktima, kabilang ang limang menor de edad, ang nailigtas mula sa sex trafficking ring sa San Jose del Monte, Bulacan.
Sa operasyong isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) noong January 28, naaresto ang dalawang indibidwal na nagsilbing bugaw o facilitator ng trafficking ring.
Mula sa sumbong ng isang non-governmental organization, sinimulan ng mga operatiba ng NBI Cybercrime Division ang cyber surveillance sa dalawang indibidwal.
Napag-alamang ginagamit nila ang social media platforms gaya ng Facebook, Messenger, Viber, at Telegram upang makahanap ng bibiktimahin at kanilang mga litrato.
Babayaran ng mga kliyente ng trafficking ring ang mga litrato sa halagang 3,500 hanggang 5,000 piso, at mula rito kumukuha ng komisyon ang mga facilitator.
ADVERTISEMENT
Sumailalim na sa inquest proceedings ang mga inarestong indibidwal at haharap sila sa kasong qualified trafficking in persons under Section 4(e) of Republic Act No. 9208, as amended by RA 10364 at RA 11862.
Iginiit naman ni NBI Director Atty. Angelito Magno na patuloy ang pagsisikap ng ahensya upang protektahan ang mga bata at vulnerable na indibidwal mula sa exploitation, at hinimok ang publiko na magmasid at iulat ang anumang hinihinalang kaso ng human trafficking.

