Nanatiling pinaka-masikip na lungsod sa Pilipinas ang Davao City matapos pumuwesto sa ika-12 mula sa 482 lungsod sa buong mundo sa TomTom Traffic Index 2025.
Ayon sa ulat, ang Pilipinas din ang pinaka-congested na bansa sa Asya na may 45% congestion level, mas mataas kaysa India at Singapore na kapwa may 37%.
sa datos ng 2025 index, umabot sa 66.2% ang average congestion level ng Davao City at ika-apat ito sa 75 lungsod sa Asya pagdating sa tindi ng trapiko.
Ipinapakita rin ng report na ang congestion level ay tumutukoy sa karagdagang oras na nasasayang sa biyahe kumpara sa maluwag na daloy ng kalsada.
Sa loob lamang ng 15 minutong biyahe sa Davao City, 4.4 kilometro lang ang karaniwang nararating, at umaabot sa 168 oras o mahigit pitong araw ang nasasayang kada taon dahil sa rush hour.
ADVERTISEMENT
Samantala, kasama rin ang Maynila sa listahan matapos pumuwesto sa ika-40 sa buong mundo at ika-12 sa Asya, na may average congestion level na 57%
Ayon naman kay MMDA General Manager Nicolas Torre III, pag-aaralan ng ahensiya ang mga posibleng solusyon upang maibsan ang trapiko sa Metro Manila, kabilang ang paghingi ng tulong at rekomendasyon mula sa mga eksperto sa University of the Philippines.
Dagdag pa ni Torre, maaari ring makaluwag ang daloy ng trapiko sa pamamagitan ng pagbabawas ng mga barikada sa EDSA, partikular sa bahagi ng Ortigas. (Austin Gonzaga/News Light)

