Inaasahang mananatili sa kasalukuyang presyo ang karamihan sa mga basic goods sa bansa, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI) kahapon.
Sa 205 produktong nakalista sa ilalim ng basic goods at prime commodities gaya ng mga de-lata, instant noodles, tinapay, sabong panlaba, at baterya, 91 percent dito ay walang magiging pagbabago sa presyo.
Kahit umano nagtaasan ang halaga ng raw materials, packaging, logistics, at toll packing, nakiisa sa ahensiya ang karamihan sa mga manufacturer bunsod ng apela nito noong nakaraang taon.
May kabuuang 37 kumpanya ang nangakong walang magiging paggalaw sa presyo ng kanilang produkto.
Pahayag naman ni DTI Secretary Cristina Roque, sisiguruhin umano ng ahensiya na babantayan nitong maigi ang mga presyo ng basic goods sa bansa. Kung magkakaroon man ng pagbabago, titiyakin rin umano ng DTI na patas ito para sa mga konsyumer at negosyante.
ADVERTISEMENT
Matatandaang sumunod ang DTI sa utos ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na panatilihing steady ang presyo ng mga basic at prime commodities.
Nagpatupad naman ng price freeze ang DTI noong November 2025 kasunod ng deklarasyon ni PBBM ng state of national calamity dahil sa pananalasa ng Typhoon Tino. (Denniel Salayo/News Light)

