Natanggap na ng Philippine Navy ang una sa anim na offshore patrol vessels mula South Korea noong nagdaang weekend, marka ng unang delivery para sa ship acquisition ng bansa na nagkakahalaga ng ₱30 bilyon.
Ang future BRP Rajah Sulayman, isang designated PS-20, ay ang lead ship ng Rajah Sulayman-class offshore patrol vessels na gawa ng HD Hyundai Heavy Industries, batay sa kontratang pinirmahan noong 2022.
Kasama ng Rajah Sulayman ang lima pang vessels na pinangalanang BRP Rajah Lakandula, BRP Rajah Humabon, BRP Sultan Kudarat, BRP Datu Marikudo, at BRP Datu Sikatuna, na nakatakdang maipadala sa bansa pagsapit ng taong 2028.
Bawat isang barko ay may timbang na 2,400 tonelada, may habang 94 metro, bilis na 15 knots, at operational range na 5,500 nautical miles.
Dinisenyo ang mga barko para sa maritime patrol, mga operasyon kontra smuggling at piracy, fisheries protection, at search, rescue, and disaster relief missions.
ADVERTISEMENT
Ang mga barko ay bahagi ng Horizon 2 Modernization Program ng Navy upang mapalitan ang mga lumang vessels na panahon pa ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at madagdagan ang 11 ships ng Offshore Patrol Force. (Denniel Salayo/News Light)

