Patunay umano ang panawagan ng International Criminal Court (ICC) na lumantad ang iba pang saksi sa madugong giyera kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na umuusad ang kaso at hindi dahil mahina ang ebidensya laban sa kanya, batay kay ICC assistant counsel Atty. Kristina Conti.
Sa pahayag ni Conti, ang masusing pag-iimbestiga ng ICC ang dahilan ng panawagan at hindi ito nangangahulugang mahina ang mga pruweba laban kay Duterte.
Hudyat din umano ito na hinihikayat ng ICC ang mga nais pang magsalita hinggil sa kaso.
Partikular na hinihikayat ng ICC ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies na sangkot sa mga operasyon na magsalita sa mga imbestigador upang maipakitang sistematiko ang mga pagpatay noong drug war.
Kamakailan din, naglunsad ang ICC ng isang microsite link upang mangalap ng testimonya at ebidensya hinggil sa crimes against humanity noong rehimeng Duterte, na ayon kay Nicolas Kaufman, abogado ng kampo ni Duterte, ay hindi dapat isinapubliko dahil dapat umanong neutral body ang prosekusyon.
ADVERTISEMENT
Ngunit ayon kay Conti, bahagi na ng korte ang Office of the Prosecutor, kaya’t tama lamang ang paglalathala nito ng impormasyon.
Bukod pa rito, kay Kaufman na umano mismo nanggaling na may 100 pangalan ng mga testigo ang naisumite. (Denniel Salayo/News Light)

