DA, hinihikayat ang mga mamimiling pumili ng mas murang isda habang kaunti ang suplay ng galunggong | News Light

📅

Hinimok ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang mga mamimili na pumili muna ng mas murang alternatibong isda dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng galunggong bunsod ng manipis na suplay nito sa pandaigdigang merkado.

Batay sa Bantay Presyo ng Department of Agriculture (DA), ang imported na galunggong sa Metro Manila ay naglalaro sa ₱280 hanggang ₱350 kada kilo, habang ang lokal ay nasa ₱300 hanggang ₱400.

Ayon kay Tiu Laurel, kaunti ang dumarating na galunggong mula sa mga pangunahing pinagmumulan kaya natural na tumaas ang presyo.

Bilang alternatibo, inirekomenda niya ang manok, bangus, at tilapia, lalo na’t mataas din ang presyo ng mackerel na nasa ₱300 hanggang ₱450 kada kilo.

Inaasahan niyang bababa ang presyo ng galunggong sa ₱230 hanggang ₱250 pagdating ng mga naantalang importasyon na naapektuhan ng masamang panahon sa Pilipinas at China.

ADVERTISEMENT

Kasabay nito, binalak ng DA na bawiin ang mga hindi nagagamit na sanitary at phytosanitary import clearances at i-reallocate ang mga ito sa mas aktibong importers.