Kinumpirma ng Malacañang na nasa Pilipinas pa rin ang pinaghahanap na si Cassandra Li Ong, ang umano’y representative ng ipinasarang POGO hub na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga, ito’y sa kabila ng mga ulat na nakita na siya sa Japan.
Ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro, base sa records ng DILG, hindi pa lumalabas ng bansa si Ong at tuloy-tuloy ang paghahanap sa kanya ng mga otoridad.
Naglabas na ng isang milyong pabuya ang Department of Justice matapos ipag-utos ng Pasig RTC Branch 157 ang cancellation ng passport ni Ong at mga kasamang akusado na sina Atty. Harry Roque, Ronelyn Baterna, Dennis Cunanan, at Mercides Macabas.
Hinimok din ng Palasyo ang publiko na agarang isumbong sa mga otoridad sakaling may makakita sa kanila.
ADVERTISEMENT
Matatandaang nadetine si Ong dahil sa umano’y partisipasyon sa illegal online gambling ng Lucky South 99 pero napalaya matapos ang paglipat mula 19th tungo 20th Congress.

