Binigyang linaw ng Tayabas City Government na hindi sila nag-issue ng permit o clearance para sa pagtatayo ng Wind Turbine Project sa forestlands at sa lugar na malapit sa Mt. Banahaw.
Anila, aplikasyon para locational clearance ang isinumite sa kanila para sa paglalagay ng meteorological mast subalit ito ay tinanggihan ng kanilang Zoning Administrator o City Planning and Development Coordinator dahil hindi ito tumutugma sa umiiral na zoning guidelines.
Dahil dito, kasalukuyang umaapela ang proponent sa Local Zoning Board of Appeals para sa muling deliberasyon, pero giit ng LGU, kahit mapagbigyan ito sa local clearance, hindi ito nangangahulugan na puwede nang simulan ang pagtatayo ng proyekto lalo’t marami pa itong pagdadaanang proseso.
Samantala, pinayuhan naman ng LGU ang publiko na maghinay-hinay sa pakikipagdiskusyon online at siguraduhing tama ang impormasyong ibinabahagi.

