Iginiit ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na hindi sapat ang video statement ni dating Appropriations Chair Zaldy Co na nag-uugnay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Speaker Martin Romualdez sa umano’y ₱100 billion insertion sa 2025 budget.
Ayon kay Dy, kung mabigat ang paratang, dapat mas mabigat ang paninindigan at kailangan umano ni Co na umuwi, humarap, manumpa at maglabas ng ebidensya sa harap ng Independent Commission for Infrastructure.
Binatikos din ni Dy ang pag-iwas ni Co na sa halip na maglinaw ay mas nagdagdag umano ng kalituhan sa publiko.
Giit pa ng speaker, handang magbigay ng proteksyon ang pamahalaan kung talagang may banta sa buhay ni Co.

