Putik at mga bato ang bumulaga noong Sabado ng umaga sa mga residente ng Brgy. Dambo, Pangil, Laguna makaraang makaranas sila ng pagbaha sa kahabaan ng national road ng nasabing barangay, bunsod ng magdamag na pag-ulan.
Sa pagbahang nangyari nga sa Brgy. Dambo, Pangil, Laguna, agad hiniling ni Councilor CJ Ader sa Sangguniang Bayan na magpadala ng liham sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) o sa pamahalaan panglalawigan upang mapag-aralan ang kabundukan ng Pangil kung bakit sila binaha kahit wala naman bagyo.
Kamakalawa nga ng umaga, ang pamunuan ng Provincial Engineer ay umakyat kasama ang Sangguniang Bayan at Sangguniang Barangay ng Dambo, kabilang ang kanilang vice mayor, sa bundok kung saan nagmula ang malakas na flash flood, upang suriin kung anu-anong magagawang solusyon sa pagbaha at pagguho ng lupa sa barangay.
Nagsagawa din ng clearing operation ang Provincial Engineering Office upang alisin lahat ng mga putik at batong inanod ng pagbaha sa mga gilid ng kalsadang ito.
ADVERTISEMENT
Ayon kay Municipal Councilor CJ Ader, hinihintay pa nila ang assessment ng tanggapan ng Provincial Engineer kaugnay sa isinagawang ocular inspection sa kabundukan ng Brgy. Dambo sa bayan ng Pangil. (Kevin Pamatmat/News Light)

