Pinanindigan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kahapon ang mandato nitong siyasatin ang anomalya sa flood control projects na direktiba ni President Bongbong Marcos Jr.
Ayon kay ICI Executive Director Brian Hosaka, sumusunod lamang sila sa mandato na irekomenda sa Ombudsman at iba pang ahensyang may karapatang magbigay ng suhestiyon o komento sa kaso.
Ito ay resbak ng komisyon kay Ruy Rondain, ang abogado ni Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na sinabing hindi matatawag na complaint ang mga referral cases ng ICI dahil hindi naman umano ito sinumpaan.
Ani Hosaka, walang katotohanan ang punto ni Rondain at isa lamang itong pagtatanggol sa kampo ni Co. Ngunit dagdag niya, maaari itong isaalang-alang ng Office of the Ombudsman o iba pang kinatawan.
ADVERTISEMENT
Ang trabaho lamang aniya ng ICI—mag-suggest ng kasong pwedeng isampa base sa mga ebidensya at impormasyong kanilang nakalap.
Si Zaldy Co ang isa sa apat na kasalukuyan at dating mambabatas na inirekomenda ng ICI na kasuhan sa Ombudsman ng korapsyon, panunuhol, at pandarambong, kasama nina Senator Joel Villanueva, Jinggoy Estrada, at dating Caloocan 2nd District Rep. Mitch Cajayon-Uy. (Denniel Salayo/ News Light)

