Hindi na isasama sa ₱6.793 trilyong pisong pondo ng bansa para sa susunod na taon ang mga “alien” provisions o programang isinama sa budget ngunit hindi inisyal na inaprubahan ng Senado.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson, naging kasunduan ito sa Senado upang maging bukas ang proseso ng budget hanggang sa Bicameral Conference Committee meeting at pagsasabatas nito.
Pinag-iisipan na umano ni Senate Finance Committee head Sherwin Gatchalian kung paano ito gagawin, ngunit sisimulan muna ito sa pagbabawal ng mga alien na probisyon.
Lilimitahan na ito sa pamamagitan ng isang matrix—na may bersyon ang House at ang Senado—at tsaka pagkakasunduan kung paano pagsasamahin ang dalawa.
ADVERTISEMENT
Kinumpirma rin niyang tatanggalin na ang mga hindi nakalistang pondong para sa foreign-assisted projects.
Matatandaang natapos ang deliberasyon ng General Appropriations Bill noong nakaraang linggo, habang plano namang sponsor-an ni Gatchalian ang 2026 national budget sa plenaryo sa November 12. (Denniel Salayo/ News Light)

