Matapos na malubog sa baha at putik ang Cebu at mga karatig na lugar dahil sa pananalasa ng Bagyong Tino, muling nanawagan ang environmental group na Greenpeace Philippines na isabatas na ang House Bill 4420 o Climate Accountability Act o ‘yung tinatawag na Clima Bill.
Unang isinulong ang Clima Bill taong 2023 at inaprubahan ng House Committee on Climate Change, pero bigo itong maisabatas.
Muli itong isinumite sa 20th Congress at suportado pa rin ni House Committee on Climate Change Chair Aniela Tolentino at ilang mambabatas gaya nina Reps. Anna Tuazon, Jose Manuel Alba, Javier Benitez, Percival Vilar Cendaña, at Kaka Bag-ao.
Isa ang Dinagat Islands sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng Bagyong Tino.
Ayon sa Greenpeace Philippines, ang Clima Bill ay makatutulong para panagutin ang mga climate polluters.
ADVERTISEMENT
Layon umano ng panukala na pagbayarin ng danyos ang mga bansang may malalaking ambag sa polusyon at climate change.
Samantala, hinimok ng grupo ang publiko na makiisa sa online petition para suportahan ang Clima Bill. Ayon pa sa grupo, maaaring sisihin sa nangyaring delubyo sa Cebu ang korapsyon at fossil fuels.

