Inaasahan ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot na higit na marami pa ang dadalo sa gaganaping rally sa November 30 kumpara sa “Trillion Peso March” noong September 21.
Sa press conference ng grupo kahapon kasama ang iba pang mga sektor, inanyayahan ang publiko na sumama sa kilos-protesta para sa pagpapapanagot ng lahat ng opisyal na sangkot sa maanomalyang mga imprastruktura, kasama sina Pangulong Bongbong Marcos, mga pinuno ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Budget and Management, mga mambabatas, at mga contractor.
Ani David Michael San Juan ng Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance, tiyak na mas marami sa 100,000 noong Setyembre ang lalahok sa pagkilos sa susunod na buwan; hamon din umano ito sa ating lahat dahil nag-uumapaw na ang ating galit sa korapsyon at dapat nang baguhin ang sistema.
Suhestiyon naman ni Dr. Helen De La Paz ng Health Alliance for Democracy, dapat imbestigahan ang lahat ng ahensiya ng gobyerno sa halip na DPWH lamang ang pinagtutuunan ng pansin; isa na rito ang dispalinghadong Super Health Centers.
ADVERTISEMENT
Para naman kay ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, ang pananaw ng international community ay nakikita sa pagbaba ng halaga ng piso na naaapektuhan ng korapsyon gayong sumadsad ito sa ₱59.13 kontra dolyar. (Denniel Salayo/ News Light)



