
Isang 2020 Porsche 911 Carrera S ang hinarang kahapon ng mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO) at Philippine National Police–Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa Sta. Rosa–Tagaytay Road, Barangay Santo Domingo, Sta. Rosa City, Laguna.
Ayon kay LTO Region 4A Director Elmer Decena, pinatigil ang sasakyan matapos mapansing walang front plate.
Ipinakita ng driver ang Official Receipt (OR) bilang patunay ng transfer of ownership ngunit nabigong maipakita ang Certificate of Registration (CR).
Dahil dito, inisyuhan siya ng Temporary Operator’s Permit (TOP) at kinumpiska ang lisensya dahil sa paglabag sa Joint Administrative Order No. 2014-01.
ADVERTISEMENT
Samantala, ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao tuloy-tuloy ang kanilang operasyon laban sa mga traffic violators at binigyang-diin na pantay ang batas sa lahat ng motorista, anuman ang uri o halaga ng kanilang sasakyan.

