
Patay ang isang ama at isa sa kanyang mga anak matapos ang hostage incident sa Dasmariñas City, Cavite, kahapon, Oktubre 27, 2025.
Batay sa imbestigasyon, kinilala ang suspek na si alyas “Jun”, isang jeepney driver, na nagkulong sa kanilang bahay kasama ang mga anak at sinaksak ang mga ito. Agad na rumesponde ang Dasmariñas Police matapos humingi ng tulong ang mga kapitbahay.
Pagdating ng mga pulis, nadatnan nilang may hawak na patalim ang suspek at inaatake ang isa pang anak. Sa kabila ng negosasyon, patuloy ang karahasan, kaya napilitang gumanti ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.
Isinugod sa ospital ang mga biktima, ngunit isang bata ang binawian ng buhay, habang ang isa pang anak at isang kapitbahay ay sugatan.
ADVERTISEMENT
Ayon kay PCOL Ariel Red, Acting Provincial Director ng Cavite PPO, pinupuri niya ang mabilis na aksyon ng mga pulis na nakaiwas sa mas malalang trahedya at tiniyak ang patuloy na proteksyon sa mga residente.

